MANILA, Philippines - Hindi sa Weekly Relays kungdi solong tatalon si Marestella Torres para maabot ang Asian Games qualifying mark at makapasok siya sa Pambansang koponan na lalaban sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Ayon kay PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia, payag siya na bigyan ng huling tsansa si Torres na maabot ang 6.37-meter qualifying mark pero hindi sa gusto ng PATAFA na gawin ito sa Weekly Relay sa Agosto 10.
“Hindi sa Weekly Relay kungdi sa special jump na solong lalahukan ni Torres ito gagawin. We will giver her all the time to warm up at kapag sinabi niya na ready na siya, talon na,” ani Garcia, ang pinuno ng Task Force Asian Games.
Nanganak lamang noong Enero, si Torres ay nagsisimulang bumalik sa paglalaro at dalawang international tournaments na ang kanyang sinalihan at nanalo siya ng ginto at pilak sa Hong Kong at Vietnam.
Pero malayo ang kanyang talon sa qualifying mark sa nailistang 6.26m at 6.14m kaya’t umapela ang bagong pangulo ng PATAFA na si Philip Ella Juico sa Task Force na bigyan pa siya ng isang pagkakataon.
Si Torres ang ikalawang lady athlete na dadaan sa performance trial dahil ang una ay si weightlifter Hidilyn Diaz.
Isang Olympian tulad ni Torres, sasalang si Diaz sa Agosto 9 at sisikaping abutin ang qualifying lifts na 98-kg. sa snatch, 127-kg. sa clean and jerk para sa total na 225-kg.
Ayos naman na ang lahat ng dapat ayusin ng Task Force kung ang pagpapadala ng atleta ang pag-uusapan.
Nasa 152 ang atletang ipadadala ayon kay Garcia, at may mga NSAs ang umalis o aalis para paigtingin ang kanilang paghahanda sa kompetisyon.
Sa Agosto 1 ang self-imposed deadline ng Task Force sa mga kasamang NSAs para isapinal ang talaan at ito ay ipadadala sa Incheon Asian Games Organizing Committee sa Agosto 15. (ATan)