MANILA, Philippines - Walang naging problema ang Pilipinas sa hamon ng Bulgaria nang gapiin nila ito sa pagsisimula ng 2014 World Pool Team Championship sa Tongzhou Luhe High School sa Beijing, China noong Lunes.
Naipakita nina Dennis Orcollo, Lee Van Corteza, Carlo Biado at Rubilen Amit ang taglay na husay sa paglalaro ng bilyar tungo sa madaling 5-1 panalo laban kina Stanimir Dimitrov, Radostin Dimov, Lyudmil Georgiev at Kristina Zlateva.
Sunod na kalaban ng Pilipinas na nasa Group A, ang USA na binuo nina Oscar Dominguez, Hunter Lombardo, Corey Deuel at Jennifer Barretta.
Hanap ng US na makabangon matapos matalo kina Karol Skowerski, Tomasz Kaplan, Mateusz Sniegocki at Katazyna Weslowska ng Poland, 2-4.
May 25 koponan mula sa 24 bansa (dalawang teams sa host China) ang hinati sa anim na grupo at ang mangungunang dalawang teams ay sasamahan ng apat na may magandang rankings sa nalalabing 13 koponan na maglalaro sa Last 16 knockout round.
Ito na ang ikatlong edisyon ng torneo at ang Pilipinas ay maghahangad na higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos na nangyari noong 2010 na ginawa sa Hannover, Germany.
Sina Ronnie Alcano, Warren Kiamco, Antonio Lining, Marlon Manalo at Dennis Orcollo ang mga nagtulong para sa pilak na medalya.
Noong 2012 sa Beijing ay ginawang apat na lamang ang kasapi ng isang koponan at sinamahan pa ng isang lady player at ang Pilipinas na binuo nina Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Orcollo at Amit ay hindi umabot ng semifinals.
Ipinalalagay na palaban sa titulo ang Pilipinas dahil sina Orcollo at Corteza ang nagdedepensang kampeon sa World Cup of Pool habang si Amit ang world champion sa 10-ball sa kababaihan.
Nasa $300,000.00 ang premyong pinaglalabanan at ang mananalo ay may $80,000.00 premyo.