MANILA, Philippines - Ang pagbabahagi ni Jeron Teng ng bola sa kanyang mga kakampi ang isa sa mga dahilan ng pagratsada ng nagdedepensang La Salle matapos ang 0-2 panimula sa 77th UAAP men’s basketball tournament.
Sinalo ang naiwang trabaho ng may injury na si starting playmaker Thomas Torres, ipinakita ng 6-foot-2 wingman na hindi lamang siya isang scoring option para sa Green Archers.
Nagbida ang 20-anyos na si Teng sa mga panalo ng La Salle laban sa National University at host University of the East para sa kanilang 2-2 record.
Dahilan dito, hinirang si Teng bilang UAAP Press Corps-Accel Quantum Plus/316 Player of the Week sa linggo ng Hulyo 23-27.
“Anyone can score for our team. We just try to look for the open guy and also improve our team chemistry,” wika ni Teng.
Ang assist ni Teng kay Jason Perkins sa huling 6.7 segundo sa fourth quarter ang nagpreserba sa 57-55 panalo ng Green Archers kontra sa Bulldogs noong nakaraang Miyerkules.
Umiskor naman si Teng ng season-high 18 points para ihatid ang La Salle sa come-from-behind 60-58 victory laban sa UE noong Linggo.
Tinalo ni Teng para sa weekly citation na inihahandog ng Bactigel hand sanitizer, Doctor J Mighty Alcohol at Mighty Mom Anti-bacteria sina NU forward Troy Rosario at Far Eastern University guard Mike Tolomia.
Samantala, napanatili ng nagdedepensang De La Salle at National University ang kanilang malinis na record sa UAAP Season 77 women’s basketball tournament sa Blue Eagle Gym noong Linggo.
Ito ay matapos talunin ng Lady Archers ang University of the East Lady Warriors, 64-56, habang giniba ng Lady Bulldogs ang Ateneo Lady Eagles, 59-50.
Kumalawit si Nicole Garcia ng 14 points at 8 rebounds at nagdagdag si Trisha Piatos ng 10 points, 6 boards at 3 assists sa pagtatala ng La Salle sa 4-0 kartada.
Sa iba pang laro, tinalo ng Far Eastern University ang University of Santo Tomas, 57-56, samantalang pinayuko ng Adamson ang UP, 57-44.