Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
12 nn San Beda vs St. Benilde (Jrs/Srs)
4 p.m. Mapua vs San Sebastian (Srs/Jrs)
MANILA, Philippines - Masusukat ngayon ang tunay na determinasyon ng St. Benilde Blazers sa pagbangga sa four-time defending champion San Beda Red Lions sa 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Nanalo ang Blazers sa huling dalawang laro para matabunan ang tatlong dikit na pagkatalo na bumulaga sa pagsisimula ng kampanya sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
“We’re winning because the players are showing poise,” wika ni Blazers coach Gabby Velasco.
Sa ganap na alas-2 ng hapon sasalang ang Blazers laban sa Lions na hindi pa natatalo matapos ang limang sunod na panalo.
Kailangan din ng tropa ni coach Boyet Fernandez ang tagumpay para manatiling hawak ang liderato sa liga.
Kung malasin ang San Beda, makakasalo ang Arellano Chiefs sa unang puwesto tangan ang 5-1 baraha.
“Our offense is our defense and we expect to use that against St. Benilde,” pahayag ni Fernandez na huling tinalo ang Emilio Aguinaldo College Generals, 81-55, sa huling laro.
Ang height advantage rin na taglay nina Ola Adeogun, Kyle Pascual at Arthur dela Cruz bukod sa opensa nina Baser Amer at Anthony Semerad ang mga gagamitin ng Lions para maitapat sa husay nina Paolo Taha, Mark Romero at Jonathan Grey.
Pagtatangkaan ng San Sebastian Stags ang umangat sa ikaapat na puwesto kung manalo sa Mapua Cardinals sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Samantala, itinanghal si Jiovani Jalalon bilang ACCEL Quantum/3XVI NCAA Press Corps Player of the Week matapos gabayan ang Chiefs sa dalawang panalo sa nagdaang linggong aksyon.
May 21 puntos, 13 assists at 7 steals si Jalalon nang kunin ng Arellano ang 96-86 panalo sa San Sebastian habang may 16 puntos, pitong assists at anim na rebounds ang dating Informatics College player sa 97-85 tagumpay ng koponan sa Perpetual Help Altas.
Ang mga teammates na sina Keith Agovida at John Pinto ang mga nakaribal ni Jalalon sa lingguhang citation na suportado ng Accel Quantum, 3XVI, Mighty Mom anti-bacteris dishwashing liquid, Dr. J rubbing alcohol at Bactegel hand sanitizer.