MANILA, Philippines - Bumangon ang Lady Bulldogs mula sa dalawang sunod na kamalasan para buhayin ang kanilang tsansa sa Shakey’s V-League Season II Open Conference.
Pinasadsad ng National University ang Philippine National Police, 25-23, 25-16, 25-18, tampok ang tig-12 kills nina Jaja Santiago at Myla Pablo, kahapon sa The Arena sa San Juan.
Nakabawi ang NU mula sa naunang pagyukod sa Army at nagdedepensang Cagayan Valley.
Tumapos si Santiago na may 18 hits, kasama dito ang 3 blocks at 3 aces, samantalang may 5 points si setter Ivy Perez para igiya ang Lady Bulldgos sa 2-2 kartada.
Nakatakdang labanan ng Bustillos-based squad ang PLDT Home Telpad bukas kung saan hangad ng Power Boosters na makabangon sa straight-set loss sa Lady Troopers noong nakaraang Huwebes.
Nagtala si Frances Molina ng 15 hits para sa Lady Patrollers na may 0-5 baraha at nalagay sa peligro sa nasabing mid-season conference ng ligang itinataguyod ng Shakey’s.
Bagamat nagrehistro ang PNP ng 32 kills ay nakakuha lamang ang Lady Patrollers ng 12 excellent sets mula kay Jane Ticar.
Nagdagdag si Jane Mandapat ng 8 markers, habang may tig-5 points sina Jorelle Singh at Perez para sa NU, hangad maduplika ang kanilang pagrereyna sa First Conference sa Season 10.
Sa ikalawang laro, kinailangan ng Ateneo na bumangon sa deciding fifth set upang matakasan ang University of the Philippines, 25-15, 24-26 25-21, 21-25.