MANILA, Philippines - Bumangon ang PLDT Home TVolution Power Attackers mula sa pagkatalo sa first set para patalsikin ang Petron Lady Blaze Spikers, 16-25, 25-21, 25-18, 25-22, sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome.
Sina Lou Ann Latigay at Sue Roces ang nagsilbing tinik para sa Lady Blaze Spikers sa huling tatlong sets para umabante ang PLDT sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
May 28 puntos si Dindin Santiago na nagmula sa 23 kills, 4 blocks at isang service ace para sa Petron na nagdomina sa blocks,15-3,
Pero nagtala ang koponan ng 34 errors para mamahinga sa kompetisyon.
“We are already in the quarterfinals but one loss and we’re out. So I told them to treat this game as if this is the championship game. Good thing they responded well,” wika ni Power Attackers coach Roger Gorayeb.
May 18 attacks si Latigay, habang 14 ang ibinigay ni Roces para sa PLDT na sunod na makakaharap sa semifinals ang pumangalawang RC Cola-Air Force Raiders.
Sinikap ng Petron na paabutin sa fifth set matapos makatabla sa 22-all.
Pero nagkaroon ng back row violation ang Petron na sinundan ng malakas na pag-atake ni Santiago.
Ang Generika-Army ang makakalaban ng mananalo sa pagitan ng AirAsia at Cagayan Valley na nilalaro pa kagabi.