BRAZIL--Tuluyang nauwi sa bangungot ang kampanya ng host Brazil nang inilampaso sila ng Netherlands, 0-3, sa labanan para sa ikatlong puwesto sa 2014 FIFA World Cup kahapon.
Matapos lasapin ang pinakamatinding pagkatalo sa kamay ng Germany, 7-1, sa semifinals, gumawa uli ng kasaysayan sa paglalaro ng World Cup ang host dahil ito ang unang pagkakataon na ang bansa ay lumasap ng dalawang sunod na kabiguan mula 1974.
Sa unang 17 minuto ng laro umiskor ang Dutch ng dalawang goals dahil sa mahinang depensa ng Brazil.
Si Arjen Robben ang siyang naghatid ng unang goal para sa Dutch matapos ang penalty kick mula sa foul ni Brazil team captain Thiago Silva.
Ang pangalawang goal ay ibinigay ni Daley Blind upang matapos ang halftime ay dominado na ng Dutch ang laro.
Ipinasok din ng Netherlands sa second half ang third choice goalkeeper na si Michal Vorm upang lumabas bilang natatanging koponan sa prestihiyosong kompetisyon sa football na ginamit ang lahat ng 23 manlalaro.
Ito ang kauna-unahang third place na pagtatapos ng Netherlands matapos ang tatlong runner-up finish.
Ang Brazil ang may pinakamaraming World Cup titles nang magkampeon sila ng limang beses (1958, 1962, 1970, 1994 at 2002).
Samantala, paglalabanan ngayon ng Germany at Argentina ang titulo at inaasahang mapupuno ito ng aksyon tulad sa naunang pagkikita noong1986 at 1990.
Balak ng Germany na kunin ang ikaapat na titulo at maging kauna-unahang European team na nanalo ng titulo sa ligang ginagawa sa South America habang ang Argentina ay magtatangka sa kanilang ikatlong korona.