Laro Ngayon
(Smart Araneta
Coliseum)
2 p.m. UE vs UP
4 p.m. La Salle vs FEU
MANILA, Philippines - Sisimulan ng De La Salle University ang pagtatanggol sa kanilang korona sa pagbubukas ng 77th UAAP men’s basketball tournament ngayong hapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Lalabanan ng Green Archers ang Tamaraws ng Far Eastern University sa alas-4 ng hapon matapos ang banggaan ng host University of the East Red Warriors at University of the Philippines Fighting Maroons sa alas-2.
Nanggaling ang La Salle sa paghahari sa nakaraang Filoil Flying Premier Hanes Cup bilang paghahanda sa 77th UAAP season.
“We still have a lot of things to improve on,” wika ni head coach Juno Sauler, inihatid ang Taft-based cagers sa ‘Grand Slam’ matapos magkampeon sa UAAP at PCCL noong nakaraang taon at sa 2014 Filoil Flying Premier Hanes Cup.
Muling ipaparada ng Green Archers ang hindi nila nagalaw na line up.
Ang mga ito ay sina Jeron Teng, Almond Vosotros, Jason Perkins, Arnold Van Opstal, Thomas Torres at Norbert Torres.
Magbabalik para sa La Salle si 6-foot-8 center Yutien Andrada na hindi nakalaro noong nakaraang taon dahil sa ACL (anterior cruciate ligament) tear.
Ibabandera ng Green Archers ang mga rookie recruits na sina Fil-Ams Julius Sargent at Jahal Tratter at Terence Mustre.
Sinabi ni Sauler na mas maganda ang outside shooting na ipapamalas ni Teng ngayong UAAP season.
“He has improved a lot on his outside shots and free throws,” wika ni Sauler sa 2013 UAAP Finals MVP awardee na nagposte ng team best na 15.3 points per game average. “Probably you’ll see him shoot the threes more.”
Noong nakaraang UAAP season ay tumipa lamang si Teng, anak ni dating PBA power forward Alvin Teng, ng 10 percent sa three-point range para sa La Salle.
Hindi rin siya inasahan ng Green Archers sa free throw line bunga ng mahina niyang 53 percent shooting.
Wala na ngayong taon sa line-up ng La Salle sina L. A. Revilla, Oda Tampus, Gabby Reyes at Luigi de la Paz.
Samantala, itatampok din ngayong UAAP season ang mga bagong coaches na sina Derrick Pumaren ng UE, Kenneth Duremdes ng Adamson, Bong Dela Cruz ng University of Sto. Tomas at Rey Madrid ng UP.
Bukas ay magtatapat ang Ateneo Blue Eagles at ang Adamson Falcons sa ganap na alas-2 ng hapon kasunod ang banggaan ng National University Bulldogs at University of Santo Tomas Tigers sa alas-4 sa Big Dome.