MANILA, Philippines - Hindi na napigilan ng Elasto Painters ang pagdiriwang ng Mixers sa kanilang pang-apat na sunod na kampeonato tampok ang pambihirang PBA Grand Slam.
Tuluyan nang tinapos ng San Mig Coffee ang kanilang championship series ng Rain or Shine sa pamamagitan ng 92-89 panalo sa Game 5 para angkinin ang korona ng 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa harap ng 23,234 fans sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang pang-apat na sunod na titulo ng Mixers matapos pagharian ang 2013 PBA Governors’ Cup, ang 2014 Philippine Cup at ang Commissioner’s Cup.
Ang San Mig Coffee ang naging ikaapat na koponan na tumipa ng PBA Grand Slam matapos ang Crispa ni coach Baby Dalupan noong 1976 season at noong 1983 sa ilalim ni mentor Tommy Manotoc, ang San Miguel Beer ni Norman Black noong 1989 at ang Alaska ni Cone noong 1996.
“You know how special this is for me, watching the players achieve something,” sabi ni Cone, nakamit ang kanyang ika-18 PBA championship at pangalawang PBA Grand Slam matapos ihatid ang Alaska noong 1996.
Tinapos ng Mixers sa 3-2 ang kanilang best-of-five titular showdown ng Elasto Painters.
Mula sa dikitang first half, 43-38, ay kumawala ang San Mig Coffee sa third period sa pagtatayo ng 16-point lead, 69-53, bago nakadikit ang Rain or Shine sa 74-79 agwat sa 9:26 ng fourth quarter.
Matapos ang basket ni James Yap para sa 92-87 abante ng Mixers ay nakadikit uli ang Elasto Painters sa 89-92 mula sa basket ni Best Import Arizona Reid.
Sa sumunod na mga play, apat na beses nagmintis sina Reid, Jeff Chan at Paul Lee sa three-point line na nagtabla sana sa laro at posibleng pumuwersa sa overtime.
Hinirang naman si Yap na Finals MVP.
San Mig Coffee 92 - Yap 29, Blakely 20, Devance 11, Pingris 10, Simon 10, Barroca 6, Maliksi 4, Sangalang 2, Mallari 0, Reavis 0, Melton 0.
Rain or Shine 89 - Reid 23, Lee 21, Almazan 11, Norwood 11, Belga 7, Chan 6, Arana 4, Uyloan 2, Cruz 2, Tiu 2, Ibanes 0, Rodriguez 0.
Quarterscores: 23-16, 43-38, 73-70, 92-89.