MANILA, Philippines - May double-double output uli si Dioncee Holts at pinigil nito ang katapat na si Noube Happi sa huling yugto para manaig ang Arellano Chiefs sa Emilio Aguinaldo College Generals, 80-73, sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 15 puntos at 10 rebounds ang baguhang si Holts pero ang pinakamahalagang ambag niya ay ang paglimita niya kay Happi sa dalawang puntos sa huling yugto.
Ang pagkaposas sa 6’8 Cameroonian center ay naramdaman ng Generals nang hindi na sila nakapuntos matapos lumapit sa 77-73 sa 3-pointer ni Jan Jamon sa huling 1:25 sa labanan.
Si Levi Hernandez ay mayroong 20 puntos habang ang isa pang beteranong guard na si John Pinto ay naghatid ng 11 puntos bukod pa sa anim na assists at limang rebounds.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng koponan ni rookie coach Jerry Codiñera para samahan ang four-time defending champion San Beda at Perpetual Help sa liderato.
“Malaking bagay ang depensa namin kay Happi,” wika ni Codiñera na naunang nagwagi sa Lyceum, 93-80.
Lumayo ng hanggang 14 puntos ang Chiefs sa pagbubukas ng huling yugto, 69-55, pero ilang technical free throws at dalawang tres ni Jamon ang nagbangon sa General. Naubusan din sila sa huli para sa 1-1 karta.
Tinapos ng host Jose Rizal University Heavy Bombers ang dalawang sunod na kabiguan sa 69-61 pananaig sa St.Benilde sa ikalawang laro.