FORTALEZA, Brazil-- Nakikita ni Brazil coach Luiz Felipe Scolari na lalabas ang tunay na laro ng kanyang koponan laban sa Colombia sa quarterfinals ng World Cup sa Biyernes (Sabado sa Manila).
Galing ang host team sa panalo sa Chile sa larong umabot sa penalty shootout.
Ikinatuwiran ni Scolari na may pressure na naramdaman ang Brazilian booters dahil mataas ang enerhiya kung maglaro ang Chile bagay na hindi ginagawa ng Colombia.
“Colombia is more technical team than Chile,” wika ni Scolari. “Chile has more strength and play with a spirit, which makes the game dynamics very different. The rivalry with Colombia is not the same as with Chile, Argentina or Uruguay.”
Magkaganito man, nais ng 65-anyos coach na makita na may ibang manlalaro ang makakatulong ng mahusay na striker na si Neymar.
Tinitingnan ni Scolari sina Fred at Hulk para siyang maghahatid ng mahalagang suporta kay Neymar at magpatuloy ang paghahangad ng Brazil ng kanilang ikaanim na World Cup title. Kampeon ang host country noong 1958, 1962, 1970, 1994 at 2002.
Bilang host, tiwala ang 200 milyong mamamayan na magkakampeon ang kanilang koponan kaya’t minabuti ni Scolari na magkaroon ng extra sesyon sa kanyang mga manlalaro ang kanilang sports psychologist na si Regina Brandao para makontrol ang kanilang emosyon.
Ang epekto nito ay malalaman matapos ang nasabing sagupaan sa pitch.