MANILA, Philippines - Nadugtungan ng Cagayan Valley Lady Rising Suns ang magandang ipinakita noong nakaraang taon sa pamamagitan ng 25-15, 25-21, 25-18, panalo sa PNP Lady Patrollers habang umani rin ng panalo ang PLDT Home Telpad sa UP Lady Maroons, 25-15, 25-21,25-21, sa Shakey’s V-League Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Mahusay na binalasa ni Lady Rising Suns coach Nestor Pamilar ang kanyang manlalaro para mapanatili ang magandang laro sa opensa at depensa tungo sa 1-0 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Ito ang ika-17 sunod na panalo ng Lady Rising Suns kung isasama ang 16-0 sweep noong nakaraang taon.
Galing ang Cagayan Valley sa pagkampanya sa Cagayan Friendship Games pero hindi nakita ang pagod sa kanyang mga manlalaro dahil 13 ang pinaglaro ni Pamilar at 10 sa mga ito ang umiskor.
Ang baguhang si Janine Marciano at beteranang Aiza Maizo-Pontillas ay may tig-11 puntos habang may pinagsanib na anim na blocks sina Maiza-Pontillas at Wenneth Eulalio para makapagdomina sa departamento ang koponan 11-4.
Ito ang ikatlong sunod na pagkatalo ng PNP at nakasabay sila sa pag-atake nang saluhan ang Cagayan sa tig-33 kills.
Pero may apat na blocks lamang ang koponan at may 26 errors upang manatiling nasa huling puwesto kasama ang Lady Maroons.
May 15 kills tungo sa 16 hits si Gretchol Soltones habang 15 at 10 ang ibinigay nina Suzanne Roces at Charo Soriano para manalo ang PLDT kahit wala ang apat sa kanilang manlalaro--sina Dindin Santiago, Carmina Aganon, Abby Maraño at Royze Estampa na patuloy pa ang kampanya ng koponang kasali sa isang liga sa volleyball.