MANILA, Philippines - Sa kabila ng kabiguang maipasok ang Talk ‘N Text sa Finals ng 2014 PBA Governors’ Cup ay nakamit pa rin ni Ranidel De Ocampo ang Best Player of the Conference award kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kumolekta ang 6-foot-5 na si De Ocampo ng kabuuang 1,084 points para ungusan sina June Mar Fajardo (989) ng San Miguel Beer, Asi Taulava (638) ng Air21 (ngayon ay NLEX), Barangay Ginebra rookie Greg Slaughter (409) at Cliff Hodge (404) ng Meralco.
Ito ang kauna-unahang BPC trophy ng 32-anyos na si De Ocampo.
Ang No. 4 overall pick ng FedEx noong 2004 PBA Draft ay hinirang na Finals Most Valuable Player noong 2012-2013 PBA Philippine Cup na pinagharian ng Tropang Texters.
Dahil sa kanyang pagkakapanalo ng BPC award ay opisyal nang ibinilang si De Ocampo sa labanan para sa 2014 PBA Most Valuable Player kaagaw si Fajardo at kakamping si Jayson Castro.
Sina Fajardo, De Ocampo at Castro ang babandera sa mga kandidato para sa Mythical Five Selection team kasama sina Taulava, two-time PBA MVP James Yap ng San Mig Coffee at Arwind Santos ng San Miguel Beer.
Ang iba pang nasa 20-man mythical team contenders ay sina Mark Barroca, PJ Simon, Marc Pingris at Joe Devance ng San Mig Coffee JVee Casio at Sonny Thoss ng Alaska, Alex Cabagnot at Jay Washington ng Globalport, Gary David ng Meralco, Paul Lee ng Rain or Shine, Joseph Yeo ng Air21 at sina Slaughter, LA Tenorio at Japeth Aguilar ng Ginebra.
Ang Best Import trophy ay napunta naman kay Arizona Reid ng Rain or Shine na nakakuha ng kabuuang 1,306 points.
Tinalo ni Reid para sa nasabing karangalan sina Marqus Blakely ng San Mig Coffee, Henry Walker ng Alaska at Paul Harris ng Talk ‘N Text.
Samantala, kasalukuyan pang naglalaban ang San Mig Coffee at Rain or Shine sa Game 2 ng PBA Finals habang sinusulat ito.