MANILA, Philippines - Itataya ng Petron Lady Blaze Spikers ang malinis na karta sa gaya nilang mainit na Generika-Army sa pagbabalik-laro ng 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament ngayong hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
May 3-0 karta ang Blaze Spikers at hanap nilang magpatuloy ang magandang ipinakikita para makamit ang unang upuan sa Finals.
Sa ganap na alas-2 ng hapon itinakda ang labanan at asahan ang matinding hamon na ipagkakaloob ng two-conference champion Lady Troopers na may tatlong sunod na panalo bago nagbakasyon ang liga sa huling dalawang linggo.
Itataya rin ng PLDT-Air Force ang limang dikit na panalo sa men’s division laban sa Cignal sa ikalawang laro sa alas-4 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng Systema at Via Mare sa alas-6.
Nasa panig ng Lady Troopers ang karanasan dahil mga beterano ang kanilang manlalaro sa pangunguna nina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga at Tina Salak.
Ngunit problema ng koponan kung paano pipigilan ang mahusay na si Dindin Santiago na siyang nagdodomina sa ligang inorganisa ng Sports Score at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Ang 6’2 spiker ay naghahatid ng 30 puntos kada laro sa naunang tatlong asignatura para sa Petron.
“Siya ang anchor ng Petron at kailangan naming gumawa ng adjustments sa depensa para manalo,” wika ni Army coach Rico de Guzman. (ATan)