Win No. 2 pakay ng Baste vs Heavy Bombers

MANILA, Philippines - Pupuntiryahin ng San Sebastian College ang kanilang ikalawang sunod na ratsada, habang mag-uunahan namang makapagtala ng unang panalo ang Emilio Aguinaldo College at ang College of St. Benilde sa 90th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Magtatapat ang Gen­e­rals at ang Blazers ngayong alas-12 ng tanghali bago magharap ang Stags at ang Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-2 ng hapon.

Nanggaling ang San Sebastian sa 85-83 pag­lusot sa 2013 runner-up Letran Knights sa kanilang unang asignatura noong Sabado.

Maliban sa San Sebastian, ang iba pang may 1-0 record ay ang four-peat champions na San Beda, Perpetual Help at Arellano University.

Sa naturang tagumpay ng Stags ni head coach Topex Robinson ay kuma­mada si Jaymar Perez ng 20 points, habang may 16 at 15 markers sina Jamil Ortuoste at Jovit dela Cruz, ayon sa pagkakasunod.

Nagbigay din ng suporta sina rookies Ranzhelle Yong at Michael Calisaan, mula sa high school team ng San Sebastian, at Jeick Fabian, galing sa National University.

Ngunit ang magkasunod na three-point shots nina Ortuoste at Yong sa dulo ng fourth quarter ang nagpanalo sa Stags.

Show comments