MANILA, Philippines - Nagbunga ang masinsinang pagsasanay na ginawa ni Marestella Torres sa huling apat na buwan nang kunin ang ginto sa long jump sa Hong Kong Inter-City Athletics Championships na ginawa noong Sabado sa Tseung Kwan O Sports Ground, Hong Kong.
Ang 33-anyos na SEA Games record holder sa event sa 6.71 metro marka ay nagtala ng pinakamalayong lundag na 6.26m sa ikalimang attempt para maisantabi ang hamong hatid ng mga Taiwanese jumpers na sina Wang Wu Pin at Chu Chia Ling na nalagay sa ikalawa at ikatlong puwesto sa nilundag na 6.19m at 5.91m marka, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, ang SEA Games gold medalist sa decathlon na si Jason Cid ay naghari sa kanyang paboritong event sa Malaysia Open noong Biyernes.
Nakakuha si Cid ng kabuuang 6736 puntos matapos ang 10 events para manalo sa mga Malaysian athletes na sina Mohd Faizal Mustapha (6276) at Mohd Aidil Ali (5759).
Ito ang unang kompetisyon ni Torres sa halos dalawang taon at apat na buwan dahil noong Enero ay ipinanganak niya ang kanilang unang supling ni shot put athlete Eleazar Sunang.
Si James Lafferty ang siyang kumuha kay Torres at tumustos sa gastusin ng two-time Olympian dahil inalis siya sa talaan ng mga atletang sinusuportahan ng PSC bunga ng pamamahinga sa kompetisyon.
Naunang tinangka ni Torres ang maabot ang 6.40m marka.