So pinisak ang American GM

MANILA, Philippines - Pinaigting  ni Filipino GM Wesley So ang paghahabol sa top 10 sa world rankings nang talunin si US Grandmaster Samuel Shankland  sa 9th Edmonton Chess Festival sa Canada kahapon.

Binasag ni So ang Benko Gambit ni Shankland para manalo matapos ang 36-sulungan at tuhugin ang ikalawang sunod na panalo sa ganoong dami ng laro.

Bago ito ay dinurog muna ni So si Canadian IM Richard Wang gamit ang 36-move ng Gruenfeld game.

Kasalo sa tuktok ng standings ng 20-anyos na si So si dating World Challenger Vassily Ivanchuk ng Ukraine na kinuha ang ikalawang panalo laban kay GM Anton Kovalyov ng Canada.

Matatandaan na nagpahayag si So ng pagnanais na lumipat ng federation, mula Pilipinas tungo sa US, dahil naniniwalang mas ma­kakamtan niya ang pa­ngarap na gumaling sa sport na ito.

Si So ay nakaline-up pa sa national team na ilalaban sa World Chess Olympiad sa Tromso, Norway mula Agosto 1 hanggang 15 dahil hindi pa umaakto ang pamunuan ng NCFP.

Bukod kay So ay see­ded na rin sa men’s team sina US-based GM Julio Catalino Sadorrra at Oliver Barbosa.

“Ang pamunuan ng NCFP ang siyang magdedecide kung ano ang gagawin kay Wesley. Maraming options tulad ng paglagay sa kanya sa team kahit hindi tiyak kung maglalaro siya sa Tromso. Next month ang deadline para sa entry ng players at hintayin na lang natin ang magiging desis­yon,” wika ni NCFP exe­cutive director GM Jayson Gonzales.

Ang NCFP ay nagsasagawa ng Battle of GMs na isa sa pagbabasehan para mapasama ang isang manlalaro sa Olympiad at matapos ang apat na rounds ay nasa liderato ang beteranong GM Eugene Torre, IM Jan Emmanuel Garcia at WFM Janelle Mae Frayna tangan ang tig-siyam na puntos.

 

 

Show comments