Ika-2 titulo sa US ibinulsa ni Lim

MANILA, Philippines - Nalasap man ang unang set loss sa dalawang kompetisyon ay hindi naman nasira ang loob ni Alberto “AJ” Lim Jr. nang pagharian ang Plantation Open Circuit III noong Martes sa Florida.

Ito ang ikalawang sunod na US title sa tennis ni Lim at di tulad sa ginawa sa Andy Lake Pearl tournament noong Sabado na kung saan hindi siya nagbigay ng isang set, nakita sa 15-anyos netter ang determinasyon matapos mapalaban sa top seed at men’s number two ranked sa Florida na si Juan Rocha.

Sa semifinals nagtuos ang dalawa at bumangon si Lim buhat sa pagyuko sa first set tungo sa 2-6, 6-3, 10-4, panalo.

Wala ng hirap ang Finals dahil sa pamamagitan ng 6-1, 6-2, dinurog ni Lim ang beterano ng NCAA Division 1 na si Alexander Pelaez.

Lalabas na ito ang ikatlong international title ni Lim sa taon matapos pangunahan ang China Junior tournament noong Mayo.

Kita rin ang pag-angat ng antas ng laro ni Lim matapos mapatalsik sa first round ng Mitsubishi Lancer ITF Tennis Championships na ginawa sa Pilipinas noong Marso.

Nasa pangangalaga ng L’Academie de Tennis, si Lim na pumangalawa rin kay national player Patrick John Tierro sa idinaos na Philippine National Games (PNG), ay isasabak sa mas mabibigat na kompetisyon sa mga susunod na buwan.  

Kasama rito ang paglahok niya sa Canadian Open Junior Championship, isang Grade 1 ITF event mula Agosto 24-0 at sa mas prestihiyosong US Open Junior netfest na isang Grade A event sa Agosto 31.

Show comments