Adorna may pinatunayan, wagi ng bronze sa Asian Cup

MANILA, Philippines - Inalis ni Ma. Claire Ador­na ang anumang pagdududa sa kanyang pagkakasali sa Pambansang delegasyon na maglalaro sa Incheon Asian Games nang kunin nito ang bronze medal sa 2014 New Taipei ASTC Triathlon Asian Cup kahapon sa New Taipei Breeze Canal.

Ito ang unang pagkaka­taon na sumali sa kompetisyon sa triathlon sa labas ng bansa ang 20-an­yos na dating multi-medalist swimmer mula UP pero naipakita nito ang angking husay nang nakasabay sa mga beteranang triathletes tungo sa kauna-unahang medalya sa endurance sport na ito.

Kinuha ni Adorna, na napasok sa national team noong Enero lamang, ang 1.5-k swim, 40-k bike at 10-k run standard distance sa bilis na 2:13:33.

Ang 2010 Guangzhou Asiad fourth placer na si Hoi Long ng Macau ang kumuha ng ginto sa 2:08.33 habang ang ASTC veteran na si Choi Yan Yin ng Hong Kong ang kumuha ng pilak sa 2:11:40 tiyempo.

Naunang nakuha ni Adorna ang atensyon ng mga kalahok at manonood nang manguna ito sa swim event.

Nakabawi lamang si Long sa transition at magkasabay na nagpedal sila ng Filipina triathlete na isa sa tatlong lahok ng Triath­lon Association of the Philippines (TRAP).

Kilalang isang runner, si Long ay lumayo na sa run habang si Yin ay nakabangon sa kalagitnaan ng pagtakbo laban sa pagod ng si Adorna.

Ang naabot ni Adorna ay nagtiyak na hindi mabo­bokya ang ipinanlaban ng bansa sa kompetisyong sinalihan ng pitong bansa.

Ang mga pambato sa kalalakihan na sina Nikko Huelgas at John Chicano ay nangapa sa porma sa swim pa lamang nang nalagay sa ikatlo at ikaapat na pangkat na umahon sa tubig upang hindi palarin na magkamedalya.

 

 

Show comments