Sinagasaan ang Rising Suns Raiders malinis pa

Pa-dive na hinabol ni Rhea Katrina Dimaculangan ng RC Cola ang bola habang napahiga na sa sahig ang kakamping si Judy Ann Ambray Caballejo sa Philippine Super Liga All Filipino Conference kahapon sa Cuneta Astrodome. (Kuha ni Joey Mendoza)  

Laro sa Linggo

(Cuneta Astrodome, Pasay City)

3 p.m. RC Cola-Air Force Raiders vs Petron Lady Blaze Spikers  (Women’s)

4 p.m. AirAsia Flying Spikers vs Generika-Army Lady Troopers (Women’s)

6 p.m. Systema vs Via Mare  (Men’s)

 

MANILA, Philippines - Hindi bumigay ang RC Cola-Air Force Rai­ders sa matinding laban na ipinakita ng Cagayan Valley Lady Rising Suns nang itakas ang 21-25, 25-14,19-25, 25-19, 15-12, panalo at masolo ang lide­rato sa 2014 PLDT Home DSL-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Confe­rence volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome.

Sina Joy Cases, Judy Caballejo, Iari Yongco, Maika Ortiz at Jocemer Tapic ang mga nagtulung-tulong mula sa fourth set para maisulong sa 3-0 ang karta sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL na may suporta pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.

“Masama ang simula pero handa kami sa ganitong sitwasyon kaya alam kong kaya pa rin naming ipanalo ito,” wika ni Raiders coach Clarence Esteban.

Nanguna sa koponan si Cases sa kanyang 22 puntos, 19 ay nagmula sa kills, habang sina Caballejo, Yongco at Ortiz ay naghatid pa ng 20, 16 at 13 puntos.

Si Aiza Maiza-Pontillas ay may 20 kills tungo sa 23 puntos habang sina Angeli Tabaquero at Pau Soriano ay may 14 at 12 puntos.

Pero ininda ng Lady Rising Suns ang maagang paglaro sa deciding fifth set ng Raiders, 8-2, para lasapin ang ikaapat na pagkatalo matapos ang limang laro.

Maganda ang simula ng Cagayan Valley pero hindi nila nasundan ito sa second set para magtabla ang dalawa sa 1-1.

Ganito rin ang nangyari sa ikatlo at ikaapat na sets upang mauwi sa fifth set at hindi na binitiwan pa ng Raiders ang hawak na momentum para itulak ang wala ring talo na AirAsia Flying Spikers at Petron Lady Blaze Spikers sa ikalawang puwesto sa pitong koponang liga. (ATan)

Show comments