Donaire mas mahihirapan sa 126 lbs. - Arum

MACAU -- Ang bagong daan na tatahakin ni Nonito Donaire Jr. ay may mga nakatagong bomba.

At kung magiging matagumpay ang Filipino boxer laban kay South African Simpiwe Vetyeka, sinabi ni promoter Bob Arum na mas lalo pa siyang mahihirapan.

Nakatakdang umakyat sa boxing ring kagabi si Donaire sa Cotai Arena ng The Venetian Hotel at determinadong agawin ang suot na WBA featherweight crown ni Vetyeka.

Kung maaagaw ni Donaire ang titulo ni Vetyeka ay siya na ang magiging four-division world champion matapos maghari sa flyweight, bantamweight at super bantamweight divisions.

Ito ay napakahalagang laban para sa 31-anyos na si Donaire. “It’s very, very big for him,” sabi ni Arum kay Donaire na hinirang na 2012 Fighter of the Year ng Boxing Writers Association of America (BWAA).

Sa “Featherweight Fury” ay may mga itinampok na laban sa 126 lbs division.

Sina Russian Evgeny Gradovich at Jamaican Nicholas Walters ang dalawa pang featherweight champions na kabilang sa card.

Itataya nila ang kanilang mga korona laban kina Belgian Alexander Miskirtchian at Armenian Vic Darchinyan, ayon sa pagkakasunod.

 

Show comments