NLEX, Blackwater unahan sa paglapit sa korona

MANILA, Philippines - Susubukin ng Blackwater Sports Elite ang ilapit ang sarili sa muling pagdodomina sa multi-titled NLEX Road Warriors sa pagbubukas ngayon ng PBA D-League Foundation Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.

Sa ganap na ala-1:30 ng hapon gagawin ang Game One sa best-of-three championship series na kung saan hanap ng Elite na maulit ang 2-0 sweep na naiposte sa Road Warriors noong nakaraang edisyon.

“I’ll be counting on the confidence of my players to be able to step up to the next level,” wika ni Elite coach Leo Isaac.

Nasa koponan pa rin ang mga mahuhusay na sina Kevin Ferrer, Allan Mangahas at Narciso Llagas na nakatulong sa panalo sa nakaraang Foundation Cup Finals pero mas lumalim pa ang puwersa sa pagpasok  nina Jericho Cruz, Reil Cervantes at Mark Cruz.

Disiplina sa kanilang opensa at depensa ang siyang mahalaga para sa Elite dahil tiyak na kakapitalisahin ng Road Warriors ang anumang break na kanilang makukuha.

Sina Garvo Lanete, Kevin Alas at Ronald Pascual ang mangunguna sa pag-atake habang ang lakas sa ilalim nina Ola Adeogun, Jake Pascual at Art Dela Cruz Jr., ang magdaragdag puwersa sa laban ng koponan.

Nagkampeon ang tropa ni coach Boyet Fernandez sa Aspirants’ Cup kaya’t nais niyang wakasan ang posibleng huling confe­rence sa liga sa pamamagitan ng isa pang titulo.

Ang NLEX tulad ng Blackwater, ay tinanggap na bilang mga bagong koponan sa PBA sa papasok na season.

Napahirapan ang Road Warriors sa semifinals laban sa Cebuana Lhuillier Gems na kanila pa ring winalis (2-0) at ang nakuhang karanasan sa larong iyon ang sinasandalan ni Fernandez para itodo agad ng kanyang bataan ang lakas para mas gumanda ang tsansang makauna sa maigsing serye.

Ang mananalo sa la­rong ito ay magkakaroon ng pagkakataong tapusin ang serye sa Lunes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Show comments