Bolts kukuha ng lakas kay West vs Mixers

MANILA, Philippines - Ibinalik ng Meralco ang dating import na si Mario West para isalba ang pagbagsak ng koponan sa pagharap sa San Mig Coffee sa PBA PLDT Home Telpad Governors’ Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang tatlong laro ang tropa ni coach Ryan Gregorio gamit ang serbisyo ni Terrence Williams kaya’t minabuti na ibalik si West sa tangkang pagputol sa losing streak sa larong itinakda sa ganap na alas-5:45 ng hapon.

Ikatlong sunod na panalo ang paglalabanan ng maiinit na koponan na Air21 Express at Barangay Ginebra sa ikalawang laro dakong alas-8 ng gabi.

Si West ang import ng Bolts noong 2012 at 2013 Governors’ Cup at may averages na 26.8 puntos, 8.4 rebounds at 2.7 assists.

Kailangang hindi magbago ang larong ipakikita nito dahil ang Mixers ay magbabalak na buma­ngon agad mula sa 90-92 pagkatalo sa kapatid na koponan na San Miguel Beermen noong Linggo para sa 1-1 karta.

“We expect Meralco to be much more cohesive with Mario West,” wika ni San Mig coach Tim Cone na balak makumpleto ang Grandslam kung ma­pagharian ng koponan ang ikatlo at huling conference ng PBA.

Hanap ng Air21 na madugtungan ang franchise-best sa Ginebra na kumikinang sa ilalim ng bagong coach na si Jeff Cariaso.

“We successful in the last two games because we’re playing within our system and using our strength,” wika ni Air21 coach Franz Pumaren na ang tinutukoy ay ang pagdodomina ng mga malalaking manlalaro sa pangunguna nina Paul Asi Taulava at import Dominique Sutton.

 

Show comments