Spurs nanambak Parker nagbida sa 2-0 lead

Tinangkang supalpalin ni Steven Adams ng Oklahoma City si  Tony Parker ng San Antonio sa Game 2 ng kanilang Western Conference Finals.

SAN  ANTONIO--Inangkin ng San Antonio Spurs ang malaking 2-0 bentahe sa kanilang Western Confe­rence championship series ng Oklahoma City Thunder matapos iposte ang 112-77 panalo sa Game 2.

Umiskor si guard Tony Parker ng 22 points para pagbidahan ang Spurs, habang tumipa si Danny Green ng pitong 3-pointers para tumapos na may 21 markers.

Nag-ambag si Tim Duncan ng 14 points at 12 re­bounds at may tig-11 markers sina Manu Ginobili at Boris Diaw.

Nakatakda ang Game Three sa Linggo sa Oklahoma City.

Tumapos sina Kevin Durant at Russell Westbrook na may tig-15 points mula sa kanilang pinagsamang 13-for-40 fieldgoals shooting, kasama rito ang malamyang 4-for-14 clip sa third quarter.

Muling naglaro ang Thunder na wala si Serge Ibaka.

Umiskor sina Parker at Green ng tig-8 points sa third quarter kung saan nangibabaw ang San Antonio sa Oklahoma City sa iskoran, 33-18, sa naturang yugto.

Naging  pisikal ang Thunder sa simula pa lamang ng laro kung saan nadismaya ang Spurs.

Natawagan si Duncan ng isang technical foul sa hu­ling limang minuto sa first quarter nang magreklamo kay referee Ed Malloy dahil sa foul niya kay Durant.

Binuksan ng Thunder ang laro mula sa kanilang 5-0 abante, habang isinara ng Spurs ang first half gamit ang isang 25-8 arangkada.

Umiskor si Green ng magkasunod na 3-pointers para ibigay sa San Antonio ang 55-44 abante sa huling minuto ng first half.

Hindi naman nakaporma ang Thunder sa loob ng dalawang  minuto sa 3rd quarter kung saan ipinoste ng Spurs ang 76-50  lead  huling 6:20 minuto ng nasabing yugto.

 

Show comments