Tig-2 ginto kina Ferrera, Atienza at Mangsat

MANILA, Philippines - Talong atleta ang kumubra ng tig-dalawang gintong medalya sa athletics, habang dinomina ng mga national teams ang labanan sa dragon boat at kayak sa 2014 Philippine National Games kahapon.

Ang mga nagtubog ng kani-kanilang pangalawang gold medal sa athletics event na idinadaos sa Philsports Track Oval sa Pasig City ay sina Narcisa Atienza, Arniel Ferrera at Jessa Mangsat.

Inangkin ni Atienza ang ginto sa women 100-meter hurdles sa kanyang bilis na 15.16 segundo matapos pagreynahan ang high jump noong Linggo.

Nangibabaw si Ferrera sa discus throw sa kanyang inihagis na 40.39m makaraang pamunuan ang labanan sa hammer throw.

Sinikwat naman ni Mangsat ang kanyang ikalawang ginto sa 5,000m run sa oras na 18:34.71 para isabit sa nauna niyang panalo sa 3,000m run.

Sa dragon boat sa Tanauan City, Batangas, kumopo ang Taytay Boys at Girls ng tatlong ginto.

Sa 3on3 basketball, kinuha ng Team San Juan 1 ang gold medal sa boy’s division, habang ang Team  QCPU-B ang namayani sa girls’ category.

Nakatakda namang simulan ngayon ang swiming event sa Rizal Memorial Swimming Pool kasabay ng futsa sa Andres Bonifacio Elem. School sa Pasay City.

 

Show comments