MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang solidong laro mula kay Rachelle Ann Daquis para makauna sa championship game ang FEU Lady Tamaraws sa kahanga-hangang 26-24, 26-24, 25-22, panalo sa nagdedepensang kampeon National University Lady Bulldogs sa Game One ng Shakey’s V-League Season 11 First Conference Finals kagabi sa The Arena sa San Juan City.
May 11 kills, limang aces at tatlong blocks si Daquis at siya ang nagpaningas sa paghahabol na ginawa ng FEU sa mga naunang yugto ng labanan bago ipinaubaya ang mga pandiin na puntos sa mga kakampi tungo sa 1-0 karta sa best-of-three series sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Nakauna ang Adamson Lady Falcons sa UST Tigresses sa labanan para sa ikatlong puwesto sa 25-17, 25-23, 18-25, 25-19, panalo sa naunang laro.
“Masarap ang pakiramdam na nanalo kami dahil ito ang unang championship game ng FEU,†wika ni Daquis.
Si Bernadette Pons ang isa sa mga batang manlaÂlaro ng Tams pero tila isa siyang beterano na lumaban para ilapit ang FEU sa kampeonato sa ligang may ayuda pa ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.
Tumapos si Pons taglay ang 13 kills tungo sa 14 puntos at ang matinding pag-atake na sinundan ng off-speed ang kumumpleto sa pagbangon ng Lady Tamaraws mula sa 1-9 panimula sa third set.
Si Jovelyn Gonzaga ay may 9 puntos bukod sa 17 digs habang nagsanib sa 10 sina Mary Joy Palma at Geneveve Casugod.
Si Casugod ang siyang tumapos sa labanan sa unang dalawang sets sa mga net plays upang bigyan ng momentum agad ang FEU.
Si Dindin Santiago na kinilala bilang MVP at Best Server ng liga ay may 13 puntos habang si Carmin Aganon ay naghatid ng 11.