SANTA CRUZ, Laguna, Philippines ---Muling dinomina ng National Capital Region ang swimming competition, habang isang 16-anyos na archer ang hinirang na atletang may pinakamaraming gintong medalyang nakamit sa 57th Palarong Pambansa dito sa Laguna Sports Complex.
Sa kabuuang 14 gold medals na inilaan sa Day 2, ang siyam dito ay kinuha ng NCR para itala ang 34 ginto, 15 pilak at 18 tansong medalya at bumandera sa overall medal tally kasunod ang Region IV (15-14-14), Region VI (12-9-11), Region VII (7-9-6) at CARAA (7-8-6).
Tampok sa pamamayagpag ng NCR tankers ang pagsira ni Imee Joyce Saavedra sa 2006 mark ni Olympian Jasmine Al-Khaldi na 1:03.46 sa elementary girls’ 100m freestyle para sa bago niyang 1:03.03 na kanyang inilista sa preliminaries.
Sa finals ay naorasan si Saavedra ng 1:03.34 para sa kanyang ikalawang gold medal.
“Medyo napagod lang po ako pagdating sa finals,†wika ng mahiyaing 12-anyos na incoming freshman sa Diliman Preparatory School na si Saavedra.
Sa Day 1 ay humakot ang NCR tankers ng 12 gintong medalya.
Umabot naman sa limang gold medal ang nakamit ni archer Mary Queen Ybañez ng Ilocos Region.
Idinagdag ng 16-anyos na high school graduate ng Norma Colleges Special Science ang mga ginto sa girls’ 50-meter, 60-meter at single Fita round sa kanyang naunang pamamayani sa 30m at 40m event noong Martes.
Tumudla si Ybañez, ang ina ay may-ari ng isang resort sa San Juan, La Union, ng 342, 316, 325, 300 at 313 sa 30m, 40m, 50m at 60m, ayon sa pagkakasunod, para sa kabuuang 1,296 sa single Fita round.
Sa arnis, sinikwat ni Joemarson Rey Abodadi ng CARAA ang mga ginto sa secoÂn- dary boys’ anyo individual single at double weapon. (Russell Cadayona)