Khan gustong labanan si Pacquiao

MANILA, Philippines - Maliban kay Adrien Broner, isa rin si Amir Khan sa gustong labanan si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.

Matapos ang kanyang third-round knockdown victory kay Luis Collazo noong Linggo, sinabi ni Khan na kung mabibigyan siya ng pagkakataon ay nais niyang makatapat si Pacquiao bago ito magretiro.

Ang 35-anyos na si Pacquiao at ang 27-anyos na si Khan ay dating magkasabay sa pag-eensayo sa ilalim ni chief trainer Freddie Roach.

“You never say never in boxing. There was a time when I said a fight between me and Manny wouldn’t happen because we trained in the same gym under the same coach, but that was then and this is now,” wika ni Khan sa panayam ng Daily Express.

Minsan na ring tumanggi si Roach na paglabanin sina Pacquiao at Khan.

Ngunit nag-iba na ang isip ni Khan, ang dating Briton world welterweight titlist.

“Would I fight Manny? Of course I would. If it was the right offer and the right place, yes, I think that could happen,” wika ni Khan. “You always have to keep an open mind about these things.”

Sina Pacquiao at Khan ay nagkaroon ng tsansang magsanay sa Baguio City sa isang paghahanda ni ‘Pacman’ para sa isang laban.

 

Show comments