Pinoy tankers sumisid ng 8 ginto sa Perth

MANILA, Philippines - Limang ginto ang nila­ngoy ni Sean Terrence Za­mora upang tulungan ang Pilipinas sa paghakot ng kabuuang walong ginto sa idinadaos na 2014 Australia Swimming Championships-All Stars Swimming Challenge sa Challenge Stadium sa Perth, Australia.

Ang 13-anyos na si Za­­mora na mag-aaral ng UST at naglalaro sa 13-14 age group, ay nangiba­baw sa 50-meter freestyle (26.64), 100-m breast stroke (1:17.24), 50-m butterfly (29.24), 100-m back (1:07.41) at nakabilang sa 4x50-m freestyle relay.

Bago ang kompetis­yong ito, si Zamora ay nanggaling sa pagkapanalo ng anim na gintong me­dalya gamit ang bagong PSL records, sa 54th PSL Short Course Swimming meet noong Marso.

Si Lans Rawlin Donato ng Angeles University Foundation at Delia Angela Cordero ng UP ay nanalo rin ng ginto habang si Donato ay kabilang sa nagtagumpay na 4x50m freestyle relay sa 15-16 ka­tegorya.

Naorasan si Donato ng 28.19 tiyempo sa 50-m butterfly habang si Cordero ay kampeon sa girls 17-over 50-m butterfly sa 30.28 segundo na tiyempo.

Nakasama ni Donato sina Martin Pupos ng Perpetual Help at Sean Elijah Enero na nanalo sa relay.

May dalawang pilak at tatlong tansong medalya pa ang delegasyong ipinadala ng Philippine Swimming League (PSL) para sa magandang panimula.

Si Enero ay may pilak sa boys’ 14-years 50-m freestyle at tanso sa 50-m butterfly habang si Paul Christian King Cusing ay may pilak sa 200-m back at tanso sa 200-m back at breast strokes sa boys’ 13-years old category.

Show comments