Bradley inakala kong si Marquez - Pacquiao

   Ipinakikita ni Manny Pacquiao ang tinahing sugat sa kanyang kanang kilay.(Kuha ni ABAC CORDERO)

LOS ANGELES--Sandaling inisip ni Manny Pacquiao na si Juan Manuel Marquez ang nilalabanan niya sa MGM Grand noong Linggo sa Las Vegas.

Ito ay dahil na rin sa gi­nawang panggagaya ni Timothy Bradley, Jr. sa ginawang taktika ni Marquez laban kay Pacquiao noong 2012.

“Ginagaya niya si Marquez. Nag-aabang at sumusuntok ng  no-look,” sabi ni Pacquiao.

Ngunit  kung naging ma­­tagumpay si Marquez sa pagkonekta sa kanyang right hand na nagpatumba kay Pacquiao sa sixth round nabigo naman si Bradley.

“Ginagaya niya si Marquez para one-punch. Akala niya si Marquez siya,” wika ni Pacquiao sa gitna ng isang six-hour bus ride mula sa Las Vegas patungo rito sa City of Angels.

Sumakay si Pacquiao sa bus ng alas-4 ng hapon isang araw matapos ang kanyang laban at nakauwi sa kanyang tahanan sa Larchmont Park ng halos alas-10 ng gabi.

Nakipag-usap siya sa mga Filipino scribes na sumubaybay sa kanyang laban at sinabing masaya siya sa kanyang ipinakita sa harap ng 15,601 fans na walang tigil sa pagsigaw sa kanyang pangalan.

Pinutungan ang 35-anyos na si Pacquiao bi­lang bagong WBO welterweight champion matapos kunin ang unanimous decision win kay Bradley.

“Maganda. Maganda,” ani Pacquiao.

Maaaring nakakuha ang eight-division world champion ng kopya ng punch stats at natuwa siya kung gaano karami ang suntok na ibinato niya sa loob ng 12-round fight nila ni Bradley.

“Ang dami naming pinakawalan,” sabi niya.

“Pero tumakbo,” dagdag pa ni Pacquiao na may kabuuang 563 punches at nakakonekta ng 198 kumpara sa 627-of-141 stats ni Bradley.

Ilang beses na napuruhan ni Pacquiao si Bradley at hinabol ang American para sa hangad niyang knockout.

Ngunit naging mailap si Bradley at iniwasan ang mga suntok ni Pacquiao.

“Ang hirap na tamaan eh. Sobra na ang baba. Kailangan bumaba rin ako. Pero grabe rin ang palitan,” wika ni Pacquiao sa palagiang pagyuko ni Bradley.

Sa mga huling segundo ng laban ay nagkabanggaan ng ulo sina Pacquiao at Bradley kung saan naputukan ng kilay ang Filipino fighter.

Isang plastic surgeon mula sa Las Vegas ang tumahi sa sugat ni Pacquiao sa loob ng dressing room na halos tumagal ng isang oras.

Kabuuang 32 tahi ang kinailangan para maisara ang putok ni Pacquiao.

“Kita nga yung buto. Pero kasama yan. No pain, no gain,” ani Pacquiao na nagsabi ring nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang asawang si Jinkee na nakatakdang magsilang ng kanilang ikalimang anak ngayong buwan.

 

Show comments