Kay Pacquiao talaga! Binawi ang WBO belt via unanimous decision

File Photo

MANILA, Philippines - Tunay  na  nakabalik na si Manny Pacquiao sa da­­ting kinalulugaran sa la­ra­ngan ng professional boxing.

Ito ang ipinakita ng 35-anyos na si Pacquiao nang kanyang pulbusin sa suntok si Timothy Bradley sa rematch kahapon sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.

Ang panalo ang bumura sa kontrobersyal na split decision pagkatalo ni Pacman kay Bradley noong 2012 at nabawi rin niya ang dating hawak na WBO welterweight title.

Hindi napatumba ni Pacquiao si Bradley sa kabuuan ng laban pero nagmarka ang bilis ng kanyang mga kamao at ang ipinagmala­laking kaliwa na nangyari mula sumapit ang ikapitong round tungo sa unanimous decision panalo sa labang sinaksihan ng 15,601 manonood sa MGM.

Sa tindi ng ipinakita ni Pacquiao ay malayo ang kanyang agwat sa puntos  nito kay Bradley at si Glenn Trowbridge ay naggawad ng 118-100 panalo habang sina Craig Metcalfe at Michael Pernick ay may iisang 116-112 iskor.

“My journey in boxing will continue,” wika ni Pacquiao na may putok sa kaliwang kilay matapos ang panalo dahil sa accidental headbutt ni Bradley.

Malakas ang naging pa­nimula ni Bradley dahil nakakakonekta siya gamit ang kanyang kanan habang naging maliksi sa pag-iwas sa pinakawalang matitinding suntok mula sa Pambansang kamao.

Pero nagbago ang ihip ng hangin sa ikapitong  rounds nang nagsimulang maging agresibo si Pacman.

Nagpakawala ng 75 suntok si Pacquiao sa nasabing round at 26 ang tumama at ininda ito ni Bradley at nag-iba na ang kumpiyansa nito.

Ang dating pasayaw-sayaw na American boxer ay  tumakbo at umaakap ka­pag tinatamaan ng matitin­ding suntok at nakontento siya na hanapin ang isang suntok na magpapatumba kay Pacquiao na hindi nangyari hanggang sa natapos ang laban.

Pinatotohanan naman ni Bradley ang naunang pahayag na magpapakawala ng maraming suntok dahil hawak niya ang 627-563 kalamangan sa aspetong ito.

Pero mas epektibo ang mga suntok ng Kongresista ng Sarangani Province dahil 198 ang tumama kay Bradley, tampok ang 148 power punches at 50 jabs kumpara sa 141 lamang ng napatalsik na kampeon na kinabilangan ng 109 power punches at 32 jabs.

“I wanted to shorten the distance of the fight. Bradley was wild on the outside and I went on the inside,” paliwanag ni  Pacquiao sa kanyang diskarte.

 

 

Show comments