Lady Falcons, Lady Bulldogs sa quarters

MANILA, Philippines - Ipinalasap ng Adamson University sa Arellano University ang unang kabiguan nito matapos kunin ang 17-25, 24-26, 25-14, 25-19, 15-11 panalo at angkinin ang ikalawang quarterfinal berth sa Group A sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference ka­hapon sa The Arena sa San Juan City.

Sa ikalawang laro, pinayukod ng nagdedepensang National University ang Far Eastern University, 25-19, 25-23, 25-19, para kunin ang ikatlong tiket sa quarterfinals.

Nagtuwang sina relie­vers Amanda Maria Villa­nueva at Ma. Erika Gel Alkuino para saluhin ang trabaho nina starters My­lene Paat at Marleen Cortel sa huling tatlong sets para sa pagbangon ng Lady Fal­cons mula sa pagkakaiwan ng Lady Chiefs sa season-opening confe­rence ng ligang suportado ng Shakey’s.

Humataw si Villanueva ng 9 hits, habang may da­lawa si Alkuino para sa tagumpay ng Adamson.

Kinuha ng Lady Falcons ang anim sa huling wa­long puntos sa fifth set pa­ra sa kanilang ikatlong sunod na panalo makaraang mabigo sa UAAP champions na Ateneo Lady Eagles sa pagbubukas ng torneo noong Marso 23.

Tinapos naman ng Arellano ang single round elims bitbit ang 4-1 kartada.

Nakatakda namang wa­kasan ng Adamson ang ka­nilang kampanya sa eli­minasyon sa Abril 27 sa pagharap sa St. Benilde.

Nagposte si Shiela Pi­neda ng 17 kills bukod pa sa 2 blocks at 2 service aces, habang may 18 hits na­man si dating ace spiker Pau Soriano.

Nagdagdag si Thai guest player Pacharee Sangmuang ng 15 mar­kers.

May pinagsamang 28 sa 50 excellent digs ng Lady Falcons sina Pineda at Sangmuang at may 9 hits naman si Villanueva ka­tulong sina Mylene Paat, Jen­nifer Macatuno, Marleen Cortel at Erika Alkuino.

Bagamat natalo ay nag­lista ang Arellano ng 11 blocks kumpara sa 8 ng Adamson sa torneong itinataguyod ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.

Show comments