Big Chill, Cebuana makikisalo sa liderato

MANILA, Philippines - Maipagpatuloy ang magandang panimula para manatiling  nakahawak sa liderato ang siyang gagawin ng Big Chill at Cebuana Lhuillier sa pagpapatuloy ngayon ng PBA D-League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.

Makikipagsukatan ang Superchargers sa nagdedepensang BlackwaterSports na magsisimula matapos ang labanan ng Gems at Cagayan Valley Rising Suns sa ganap na alas-2 ng hapon.

Sa unang laro ay magtatapat ang Jumbo Plastic Giants at ang Derulo Accelero Oilers sa alas-12 ng tanghali at ang Giants ay magpupursigi na ikasa ang ikalawang sunod na panalo matapos ang tatlong laro at itulak ang Oilers sa ikatlong sunod na kabiguan.

Makulay ang pagkikita ng Superchargers at Elite dahil ang dalawang ito ang nagtagisan sa semifinals sa Aspirants’ Cup.

Nauwi sa ‘do-or-die’ game ang labanan at nanaig ang mga bataan ni head coach Robert Sison sa mga alipores ni mentor Leo Isaac.

Hindi pa rin nananalo ang Elite matapos ang dalawang asignatura sa kamay ng NLEX Road Warriors at Giants kaya’t pursigido ang koponan na wakasan ang losing skid.

“Pukpukan ito. Hindi sila puwedeng matalo at hindi rin kami puwedeng matalo. Kailangan lang na patuloy na maging consistent kami,” wika ni Sison.

 

Show comments