Walang iwanan

Sa inis lang ni Floyd Mayweather Jr. kay Bob Arum ay sinabi nito na lalabanan lang niya si Manny Pacquiao kung iiwan nito ang Top Rank.

Pa-expire na ang kontrata ni Pacquiao sa Top Rank sa katapusan ng taon at umaasa ang Amerikano na hin­di na pipirma ng extension ng kontrata ang ating Pambansang Kamao.

Pero nagsalita si Pacquiao mula sa Los Angeles kahapon at sinabi nito na masaya siya kung nasan man siya ngayon. Sinabi niyang hindi niya kailangan iwan ang Top Rank.

Duda rin siya siguro na kung iwan man niya ang Top Rank ay hindi rin siya labanan ni Floyd Mayweather at makaisip na naman ito ng bagong dahilan para makaiwas lang sa laban.

Mahirap nga naman ma-double cross.

Dating nasa ilalim ng Top Rank si Mayweather. Mahigit 10 taon din silang nagsama ni  Arum at gumawa ng malalaking laban.

Pero naghiwalay sila nung 2007. Puwedeng nasulsulan si Mayweather na ginigulangan daw siya ni Arum pagdating sa kanyang kinikita sa mga laban.

Naniwala si Floyd at agad na nakipaghiwalay sa Top Rank. Ang kanyang sabi noon ay hinding-hindi na siya makikipag-deal kay Arum.

Kaya ngayon madalas sabihin ni Floyd na habang nasa Top Rank si Pacquiao ay ‘wag tayo lahat umasa na magaganap ang laban sa pagitan ng dalawang su­perstars.

Hindi ito bumebenta kay Pacquiao.

“Wala sa promoter yan. Kung gusto niya ako laba­nan ay lalabanan niya ako,” wika ni Pacquiao sa Ingles.

Sa tono ni Pacquiao, naniniwala pa rin siyang ayaw talaga siya labanan ni Mayweather.

Masaya si Pacquiao kay Arum. Masaya siya sa Top Rank.

Walang iwanan.

Show comments