Donnie Nietes pababagsakin si Fuentes, kapag may time

Donnie Nietes

MANILA, Philippines - May gustong patuna­yan si Filipino world light flyweight champion Donnie ‘Ahas’ Nietes sa kanilang re­match ni Mexican challenger Moises Fuentes.

Sinabi kahapon ng 31-anyos na si Nietes na gus­to niyang burahin sa isi­pan ng mga boxing fans ang nangyaring draw sa ka­nilang unang paghaha­rap ni Fuentes noong Marso ng nakaraang taon sa Cebu City.

“Gusto ko talagang i-knockout siya pag may time,” wika ng two-time world champion  sa Philip­pine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Sha­key’s Malate.

Ito ang ikaapat na sunod na pagkakataon na ide­depensa ni Nietes (32-1-4, 18 KOs) ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) light fly­weight crown sa kanilang mu­ling pagtutuos ni Fuentes (19-1-1, 10 KOs) sa Mayo 10 sa Mall of Asia sa Pasay City.

Bilang preparasyon sa 28-anyos na si Fuentes ay nagsanay si Nietes sa Uni­ted States kung saan niya naka-spar si dating world champion Giovanni Segura.

“Maganda ‘yung na­ging training ko sa US, kaya kum­piyansa akong mapa­pa­natili ko ang korona ko,” wi­ka ng tubong Murcia, Negros Occidental.

Pinaalalahanan ni ALA Pro­mo­tions vice president Den­nis Cañete si Nietes ukol sa re­match nito kay Fuentes.

“Every rematch is dangerous,” ani Canete. “Si­yempre, na-gauge ka na nu’ng opponent mo and Moises Fuentes is a great fighter. So it’s going to be tough.”

Si Fuentes ay dating WBO minimumweight title holder na nakalaban na si­na dating world titlist Ivan Calderon at Raul Garcia.

Kasalukuyang nasa isang three-fight winning streak si Fuentes matapos maka-draw si Nietes, umiskor ng isang third round TKO win kay Sammy Gu­tier­rez. (RCadayona)

Show comments