Roach ‘di nababahala sa pagkakasakit ni Pacquiao

MANILA, Philippines - Dahil maagang nailagay ni Manny Pacquiao ang sarili sa magandang kondisyon kung kaya’t ang ilang araw na pahinga ay hindi makakaapekto sa ginagawang pagha­handa niya kay Timothy Bradley.

Dinapuan ng sipon si Pacquiao kung kaya’t minabuti ni trainer Freddie Roach na pagpahingahin ang Pambansang kamao sa pagsasanay sa Wild Card gym noong Lunes at Martes.

“Obviously he needed it because he’s sick,” wika ni Roach sa ABS-CBN. “But we’re a little bit ahead of sche­dule.”

Bago nagpahinga ay humahataw si Pacman sa pagsasanay at naipamalas ang mga malalakas na suntok sa punch mitts session nila ni Roach.

Sa isang pagsasanay ay umabot sa 10 rounds ang ginawa ng dalawa at masusing sinunod ng natatanging 8-division world  champion na si Pacquiao ang bilang ng suntok na dapat na pakawalan nito.

Pinalalakas at pinabibilis ni Roach ang mga suntok na binibitawan ni Pacman dahil mahalaga ito sa hanap na knockout na panalo kay Bradley. Focus si Pacquiao na nakakuha ng kumbinsidong panalo sa kasalukuyang WBO welterweight champion upang tabunan ang kontrobersyal na split decision pagktalo noong 2012.

Nakasuot si Roach ng protective vest pero aminado siyang nasasaktan kapag tinatamaan ng suntok galing kay Pacquiao.

“A guy like Manny, with speed, is more dangerous that the power guys,” pahayag pa ng batikang trainer.

Nasabi na ni Pacquiao na para maisagawa ang hanap na knockout win, kailangang maging matindi ang kanyang mga jabs para mai-set-up ang pamatay na kaliwa. Kung mangyari ito sa Abril 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, tiyak na may kalalagyan si Bradley.

 

Show comments