MANILA, Philippines - Kumapit uli ang kamaÂlasan kay Filipino boxer Jether Oliva nang nabigo siya sa tangkang pagsungkit sa bakanteng International Boxing Organization (IBO) flyweight title nang isuko ang split decision pagkatalo kay Muruti Mthalane ng South Africa kamakalawa na ginawa sa Durban International Convention Center Durban, KwaZulu-Natal, South Africa.
Sinamantala ni Mthalane ang mahinang depensa ng 26-anyos tubong General Santos City para makakuha ng mga puntos sa head blows.
Natapos ang laban na maga din ang kaliwang mata ni Mthalane dahil na rin sa solidong suntok ni Oliva pero ibinigay nina judges Terry O’Connor ng United Kingdom at Alan Makataka ng South Africa ang 116-112 at 117-112 panalo sa African boxer.
Ang Filipino judge na si Danrex Tapdasan ay naggawad ng 115-113 para sa kababayan.
Ito ang ikalawang pagtatangka ni Oliva para maÂging isang world champion.
Ang una ay nangyari noong Agosto 27, 2008 pero yumuko siya kay Ulises Solis ng Mexico sa pamamagitan ng unanimous deÂcision para sa IBF light flyweight title.
Pangalawang kabiÂguan ito ng 5’5 na si Oliva matapos ang 24 laban na kinatampukan din ng 20 panalo, kasama ang 10KOs.
Bago ang title fight na ito, nagwagi si Oliva kay Michael Rodriguez noong Enero 14 sa labang ginawa sa South Cotabato.
Ang panalo ay nagpatatag sa pagiging pinakamahusay na African boxer ng 31-anyos na si Mthalane na kampeon din sa IBF sa 112-pound division.
May 30 panalo sa 32 laban si Mthalane at naÂipaghiganti na rin niya kahit paano ang 6th round TKO pagkatalo sa kamay ni Nonito Donaire Jr. noong 2008. (AT)