Sparring ni Pacquiao pinanood ni Bob Dylan sa Wild Card Gym

MANILA, Philippines - Kung masyadong seryoso si Timothy Bradley, Jr. sa kanyang ginagawang pagsasanay ay nagkaroon naman ng panahon si Manny Pacquiao na makasalamuha ang ilang celebrities sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California kahapon.

Pinanood ni American music icon Bob Dylan ang sparring ng Filipino world eight-division champion.

Matapos ito ay nagpakuha ng litrato ang 72-anyos na si Dylan, ang mga kantang “Blowin’ in the Wind” at “The Times They Are a Changin’” ay naikabit sa US civil rights at anti-war movements noong 1960s, sa 35-anyos na si Pacquiao.

Binisita rin si Pacquiao ni RNB singer Ashanti na nakipagsayaw sa Sarangani Congressman matapos ang kanyang ensayo.

Hindi na bago kay Pacquiao ang pagbisita sa kanya ng mga celebrites habang siya ay nagsasanay sa Wild Card Gym.

Kabilang sa mga ito ay sina Lou Diamond Phillips, Mark Wahlberg, Mickey Rourke, Jean Claude Van Damme at Lakers star Kobe Bryant.

Bumisita rin sina Jeremy Rener, Denzel Washington, Steven Seagal, Robert Duval, Jeremy Piven, Michael Payne, Don Rickles, Christian Bale at Jessica Alba.

Idagdag din sina NBA stars Reggie Miller, Kevin Garnett, Paul Pierce at Ray Allen, baseball superstar Jerek Jeter at sina boxing greats Mike Tyson at Evander Holyfield. (Russell Cadayona)

Show comments