MANILA, Philippines – Sa edad na 47 ay pinatunayan ng artista at atletang si Richard Gomez ang kanyang lakas matapos mapabilang sa Philippine men’s volleyball team, ang ikaapat na national team na nalahukan niya.
Makakasama ni Gomez sa koponan sina JP Torres, Ronjay Galang, Jeffrey Malabanan, Alnakaran Abdilla, Jason Ramos at Rodolfo Labrador na pamumunuan ng head coach na si Francis Vicente.
Sasabak sa kauna-unahang Asian Men's Club Volleyball Championship ang Pilipinas na palalakasin ng dalawang Australyanong sina Cedric Legrand at William Robert Lewis sa darating na Abril 8-16 sa MOA Arena at Cuneta Astrodome sa lungsod ng Pasay.
Inaasahang 18 bansa ang sasali sa pinakamalaking international volleyball tournament sa Pilipinas.
Umaasa si Vicente na makakakuha pa siya ng matitikas na manlalaro mula sa collegiate level partikular ang rookie-mvp ng Ateneo na si Mark Espejo at Rex Intal, Peter Torres ng National University, Jay Dela Cruz at Edmar Castro ng Perpetual Help.
"Only the best and dedicated players will be chosen because we want to form a very competitive team for this tournament," wika ni Vicente sa isinagawang pulong balitaan ngayong Huwebes.
"We're still holding tryouts and we hope to get more players from the UAAP and NCAA," dagdag niya.
Nasa Group A ang Pilipinas kasama ang Iraq, Kuwait at Mongolia, habang nasa group B ang Iran, Japan, Lebanon at Vietnam.
Kabilang din sa torneo ang Qatar, Kazakhstan, Oman, Hong Kong at Turkmenistan na nasa group C at group D naman ang United Arab Emirates, India, Papua New Guinea at Chinese Taipei.