MANILA, Philippines — Sa masamang taon ng multi-titled na koponan ng Los Angeles Lakers, napagdesisyunan ng kanilang pamunuan na huwag nang pabalikin ang kasalukuyang nagpapagaling na si Kobe Bryant.
Wala nang pagasang pumasok sa playoffs ang Lakers na bitbit ang 22-42 win-loss record kaya naman pinili na ng koponan na pagpahingahin na lamang si Bryant upang maging maganda ang kalusugan sa susunod na season.
Nakabalik si Bryant sa 2013-2014 season matapos magdusa sa Achilles injury noong Abril 2013, ngunit anim na laban lamang ang kanyang nilaro bago naman mabalian ng buto sa kanyang kanang tuhod.
Sinabi ni Bryant na magiging kakaiba ang susunod na season kumpara sa sinapit ng kanyang koponan ngayon na puro talo kabilang ang mga tambakang pagkatalo laban sa Los Angeles Clippers.
"I don't want to say I'll be back at the top of my game," wika ni Bryant.
"Because everybody is going to think I'm crazy, and it's the old-player-not-letting-go sort of thing. But that's what it's going to be."
Inakala ng Lakers na anim na buwan lamang ang kailangang ipahinga ni Bryant upang gumaling ang bali sa tuhod ngunit naging mabagal ang paghilom nito.
Kahit ibinoto ng mga fans ay hindi nakalaro sa 2014 All-Star Game si Bryant dahil pa rin sa iniindang bali.
Bago magsimula ang ngayong season ay muling kinontrata ng Lakers ang 25-anyos na si Bryant ng dalawa pang taon.