Rubber match Lady Eagles pinigil ang Lady Archers

Pinagtulungang i-blocked nina Victoria Galang at Abigail Moraño ng La Salle ang kill ni Margarita Tejada ng Ateneo sa Game 3 ng UAAP women’s volleyball  Finals kahapon sa Mall of Asia Arena. (Kuha ni Joey Mendoza)

Laro sa Sabado

(Mall of Asia Arena,

Pasay City)

4 p.m. La Salle vs Ateneo

 

MANILA, Philippines - Naipakita ng Ateneo na kaya nilang talunin ang La Salle sa deciding fifth set sa pamamagitan ng 25-21, 25-23, 18-25, 16-25, 17-15, sa UAAP women’s volleyball Finals kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Bumangon ang Lady Eagles mula sa pagkawala ng 2-0 kalamangan at pag­lapit ng Lady Archers sa match-point nang ipanalo ang huling tatlong puntos.

Pinawi ng MVP ng liga na si Alyssa Valdez ang pagkakabutata sa kanya sa huling play upang hawakan ng Lady Archers ang 15-14 kalamangan, nang paka­walan ang matinding kill tungo sa 15-all iskor.

Nakakawala ang rookie na si Michelle Kathereen Morente para malipat ang match point sa Ateneo bago kinapitan ng suwerte ang Lady Eagles nang ta­wagan ng illegal attack ang setter ng three-time defending champion na si Kim Fajardo.

Back row player dapat si Fajardo sa tagpong iyon pero napunta siya sa harap at nakikipagtagisan sa net kay Valdez para sa violation at ibigay sa Ateneo ang panalo.

Sa nangyari, ang kampeonato sa taong ito ay paglalabanan ng Ateneo at La Salle sa sudden-death sa Sabado sa nasabi ring venue.

“La Salle experience nila sa Finals sobrang mataas kesa sa amin so La Salle will always come back. But in the end game, we just played one solid team,” pahayag ng Ateneo team captain na si Valdez.

Tumapos si Valdez ta­ngan ang 22 puntos na kinatampukan ng 19 kills habang si Morente ay mayroong 18 puntos na nagmula sa 14 kills, 3 blocks at isang ace.

Si Amy Ahomiro ay may 18 puntos din at siya ang nagtrangko sa depensa sa net sa pitong blocks.

Ang libero na si Dennise Lazaro na iniinda pa ang sprained left ankle ay nakapagtala ng 24 digs para tulungan ang Ateneo na hawakan ang 73-53 kalamangan sa dig.

Nasayang para sa Lady Archers ang 28 puntos ni Ara Galang na nagmula sa 22 kills, limang blocks at isang ace.

“In volleyball, sometimes play better, sometimes off. In the fifth set play as a team and you believe to win you can win,” wika ni  Ateneo Thai coach Anusorn Bundit.

Si Galang, na co-MVP noong nakaraang taon, ang siyang bumuhay sa malamig na opensa ng Lady Archers sa ikatlong set nang ibagsak niya ang apat na sunod na puntos upang ang 6-10 iskor ay naging 18-12 kalamangan.

Sa fourth set ay lalong lumamya ang laro ng Ateneo, talunan ng La Salle sa huling dalawang taon ng liga, habang nagising na rin ang laro nina Mika Reyes, Cydthealee Deme­cillo at Abi Maraño upang magtabla ang magkabilang koponan sa 2-2 sa best-of-five sets.

Nagdiriwang na ang mga panatiko ng Lady Archers matapos hawakan ang 12-8 kalamangan sa kill ni Galang.

Angat pa sa 13-11 ang La Salle nang umiskor si Valdez bago nasundan ng error ni Galang at na-block si Maraño upang lu­mamang na ang Ateneo, 14-13. (ATan)

Show comments