Peping hihingi ng suporta sa private sector para sa YOG

MANILA, Philippines - Sinabi ni Philippine Olympic Committee president Jose Cojuangco na magbibigay ng suporta ang kanyang mga kaibigan mula sa private sector para sa delegasyong isasabak sa 2nd Youth Olympic Games.

“If we rely only on the budget from the Philippine Sports Commission it’s not enough. Hindi aabot,” wika ni Cojuangco sa pangunguna sa delegasyon para sa YOG sa Agosto 16-28 sa Nanjing, China.

Noong 2010 YOG sa Singapore, siyam na atleta lamang ang ipinadala ng bansa at nabigong makapag-uwi ng anumang medalya.

Ngunit ang ipinakita sa 2013 Asian Youth Games sa Nanjing ang nagbigay ng kumpiyansa kay Cojuangco.

Sinabi ni Cojuangco na gusto nilang doblehin ang bilang ng delegasyon para sa 2014 YOG.

Dalawang archers na ang nakapasa para sa YOG bukod pa sa ilang sports na nagnanais na makapaglahok ng atleta sa Nanjing.

Kapag nakapasa ang nasabing mga atleta, sinabi ng POC president na hihingin niya ang suporta ng kanyang mga kaibigan sa private sector.

“The Youth Olympic Games is a bigger affair,” ani Cojuangco sa pagkukumpara niya sa YOG sa Southeast Asian Games o maging sa Asian Games.

Itatampok sa Youth Olympic Games ang mga pinakamahuhusay na batang atleta mula sa buong mundo.

“And already we have candidates. We can pull it off here,” sabi ni Cojuangco, iniluklok si Philippine Canoe Kayak Federation president Jonne Go bilang chef-de-mission ng Philippine team para sa YOG.

 

Show comments