Brooks, Bazemore nagpasiklab agad

Dinaganan ni MarShon Brooks ng Lakers si Phil Pressey ng Boston sa pag-aagawan nila ng bola sa second half ng kanilang laban sa NBA.

LOS ANGELES--Nagbunga agad ang desisyon ng Lakers na kunin sina MarShon Brooks at Kent Bazemore nang makitaan sila ng magandang pag-lalaro para tulu­ngan ang host team sa 101-92 panalo sa Boston Celtics noong Biyernes sa Staples Center.

Ibinagsak ni Brooks ang 10 sa kanyang 14 puntos sa huling yugto habang si Bazemore ay may dalawang mahahalagang triples sa huling 4:20 ng labanan.

Tinapos ng Lakers ang labanan bitbit ang 38-18 run sa final period upang wakasan ang pinakamasama sa prangkisa na eight-game home losing streak.

May 15 puntos si Baze-more na tulad ni Brooks ay kinuha sa Golden State kapalit ni Steve Blake.

Nagbalik din si 7-foot Spanish center Pau Gasol at naghatid siya ng 16 puntos at pitong rebounds.

Natigil sa paglalaro si Gasol mula Enero 31 at pitong laro ang hindi niya sinalihan dahil sa groin strain.

Pero ang mga kakam­ping sina Kobe Bryant, Steve Nash, Xavier Henry at Nick Young ay hindi pa rin nakakabalik dahil sa injuries.

Nakalamang ang Boston ng 13 puntos sa ikatlong yugto pero nanlamig sila sa huling 12 minuto ng tagisan para matalo sa ika-walong pagkakataon sa huling 11 laro laban sa Lakers sa LA.

Nanguna sa Celtics si Jeff Green sa kanyang 21 puntos sa 33 minutong paglalaro. May 20 puntos si Brandon Bass habang si Rajon Rondo ay may 11 assists bukod sa tig-anim na puntos at rebounds.

Si Rondo ay naghahatid ng 10.2 puntos at 7.7 assists sa 12 laro. Napahinga ang four-time All-Star guard ng halos 13 buwan bunga ng ACL sa kanang tuhod.

Sa Phoenix, gumawa ng career-high na 15 puntos at pitong rebounds si Ish Smith para balikatin ang Suns sa 106-85 panalo sa San Antonio Spurs.

Nag-init si Smith sa ikalawang yugto at pinangunahan ang 17-point second quarter run para iwanan ang Spurs.

Si Markieff Morris ang nanguna sa Suns sa 21 puntos.

 

Show comments