MANILA, Philippines - Isang hakbang palapit sa mithiing makatikim uli ng world title ang tatangkain ngayon ni dating world champion Marvin Sonsona sa pagbangga kay Akifumi Shimoda ng Japan para sa bakanteng WBO International featherweight title ngayon sa Venetian Resort sa Macau, China.
Ang 23-anyos na tubong General Santos City ang dating WBO super flyweight noong Setyembre 4, 2009.
Ngunit dalawang buwan lamang niyang hinawakan ang titulo at napilitang bitaÂwan ito dahil overweight siya sa kanyang unang title defense laban kay Alejandro Hernandez ng Mexico na nauwi sa tabla.
Nagkaroon siya ng pagkakataon na makatikim ng ikalawang titulo sa ibang dibisyon nang kalabanin ang isa pang Puerto Rican si Wilfredo Vazquez Jr. para sa bakanteng WBO super bantamweight title noong Pebrero 27, 2010. Pero natalo si Sonsona sa pamamagitan ng fourth round nang tumupi matapos tamaan ang bodega ng malalakas na suntok.
Tig-isang laban lang ang hinarap ni Sonsona mula 2011, 2012 at 2013 na kanyang naipanalo bago tinawag para sa labang ito na handog ng Top Rank na isa sa mga undercard sa Ring of Gold card.
Nasabi ni Sonsona ang kahandaan na patunaÂyan sa lahat na kaya niyang bumangon mula sa mga kabiguan na siya rin ang may sala matapos mapabayaan ang kanyang pagsasanay.
May 17-1-1 panalo-talo-tabla karta, kasama ang 14KOs, makikita kay Sonsona ang matinding determinasyon dahil tulad ng Filipino challenger ay nais din ng 29-anyos na si Shimoda na lumapit para kilalanin uli bilang isang world champion.
Dating hari ng WBA super bantamweight division si Shimoda at may 28 (12KOs) panalo, tatlong talo at dalawang tabla. Huling tinalo ni Shimoda si Hernandez na ginawa sa Japan.
Walang naging problema sa timbang ang dalawang boksingero at si Sonsona ay tumimbang sa 125.6 pounds habang si Shimoda ay nasa 125.8 pounds. (ATan)