Orcollo pasok sa finals ng Jay Swanson Memorial 9-Ball

MANILA, Philippines - Namuro si Dennis Orcollo sa kanyang ikalawang sunod na titulo sa Jay Swanson Memorial 9-Ball Tournament nang makapasok siya sa Finals kontra kay Mika Immonen ng Finland na nilalaro sa Bellflower, California, USA.

Ito na ang ika-18th edisyon ng torneo at si Orcollo ang siyang nagdedepensang kampeon matapos talunin si Jayson Shaw ng US noong nakaraang taon.

Si Immonen ang siyang inaasahang paborito dahil tinalo niya si Orcollo sa labanan para sa ‘hot seat’ sa dikitang 7-6 iskor.

Pero nakuha ni Orcollo ang karapatan na harapin uli si Immonen sa race-to-13 finals nang sibakin ang kababa­yang si Carlo Biado, 7-5.

Umabot sa 182 ang sumali sa taong ito at gantimpalang $3,000 ang mapupunta sa mananalo.

Kung palarin si Orcollo ay maitatala niya ang ikalimang panalo sa taon. Tampok na titulo na hawak na ng pambato ng Pilipinas ay ang Derby City Master of the Table, 9-Ball Banks at 14.1 Challenge. Ang isa pang panalo ay nairehistro sa TAR 38 laban kay Darren Appleton ng Great Britain.

 

Show comments