MANILA, Philippines - Pinawi ng nagdedepensang kampeon Ateneo ang pagkawala ng limang runs nang umiskor ng dalawang runs sa extension tungo sa 10-8 panalo sa La Salle sa Game One ng UAAP baseball kahapon sa Rizal Memorial Diamond.
Si Leandro Banzon ang bumasag sa 8-all iskor nang tumuntong sa fiel-der’s choice, umabante sa pass ball at umabot sa third base at na-stretch sa home plate sa error ni Archers relief pitcher Carlos Muñoz.
Si Adriane Bernardo ay nakatapak ng first base at umabot sa second sa error ni Muñoz at umabante sa third sa hit ni Deo Remollo bago kumana ng sacrifice fly sa right field si Kevin Ramos para sa 10-8 kalamangan.
Na-strike out ni Bernardo ang leadoff batter ng La Salle sa bottom tenth inning na si Edward Flores at kahit nabigyan ng base on ball si Paul Naguit, natapos ang laban sa magkasunod na flyouts kina Franco Hashimoto at Basti Uichico.
Lamang pa ng dalawang hits ang Archers sa Eagles, 10-8, pero nabalewala ito dahil may anim na errors ang La Salle laban sa zero ng Ateneo.
Magkakaroon ng pagkakataon ang Eagles na madagit ang ikalawang sunod na baseball title sa Game Two na gagawin sa Martes.