Disiplina at pagtitiwala susi ng Perpetual Help sa makasaysayang 3-peat

      Ang miyembro ng Perpetual Help 3-peat champion sa NCAA volleyball.

MANILA, Philippines - Disiplina, pagtitiwala sa isa’t-isa at pagsisikap na maging number one ang mga tinuran na dahilan kung bakit nagdomina uli ang University of Perpetual Help sa men’s at women’s volleyball sa NCAA.

Winalis ng Altas ang best-of-three series laban sa Emilio Aguinaldo College para sa ikaapat na sunod na titulo sa kala­lakihan. Naiangat din ng koponan sa 47 sunod ang pagpapanalo na nasimulan noong 2011.

Dumaan sa butas ng karayom ang Lady Altas na kinailangang magpatatag sa fifth set sa deciding Game Five, para angkinin ang 17-25, 25-22, 25-16, 25-27, 15-6, panalo sa Arellano Lady Chiefs.

Si Sammy Acaylar ang siyang humawak sa dalawang koponan.

“It is important to have faith in each other. Everybody really worked hard for this,” pahayag ni Acaylar na siya ring hinirang bilang coach ng women’s national team.

“Our players showed a lot of discipline and the school is proud of these,” pahayag ni Anthony Ta­mayo, pangulo ng Perpe­tual Help at NCAA Policy Board member.

Pinagningning ang dalawang titulo ng pagkapanalo nina Honey Royse Tubino at Jay dela Cruz bilang Season at Finals Most Valuable Players sa magkabilang dibisyon.

Si Tubino na regular season MVP din at guma­wa ng career-high 35 pun­tos sa huling laro sa championship series, ay nasa kan­yang huling taon ng paglalaro.

Ipagdiriwang ng Perpetual Help ang tagumpay na nakuha sa taon pero kasabay nito ay ang pagpaplano kung paano pala­lakasin pa ang dalawang koponan para maipagpatuloy ang tagumpay sa susunod na season.

“The road to another championship for Perpetual Help starts now,” pahayag ni Jeff Tamayo, ang bagong Management Committee representative ng Perpetual.

Show comments