Celtics pinayuko ang Magic

BOSTON--Nanumbalik ang husay ni Rajon Rondo para tapusin ng  Celtics ang apat na sunod na pagka­talo sa 96-89 panalo laban sa Orlando Magic noong Linggo sa NBA.

Itinala ni Rondo ang kan­yang season-highs na 19 puntos at 10 assists para bigyan ang Celtics ng unang panalo sa pitong laro na kasama siya ng ko­ponan.

Halos isang taon na nawala si Rondo bunga ng torn anterior cruciate ligament sa kanang tuhod at ang  dating season highs niya ay 13 puntos at walong assists.

Ang hook shot ni Rondo ang nagpaningas sa ma­lakas na pagtatapos ng home team upang maisantabi ang pagdikit ng Magic sa 77-76.

Si Jared Sullinger ang nanguna sa Celtics sa kanyang 21 puntos at pito rito ay ginawa sa huling yugto.

Si Brandon Bass ay mayroong 19 puntos habang si Avery Bradley ay may 17 sa kanyang pagbabalik matapos mawala sa limang laro ng Boston dahil sa sprained ankle.

May 18 puntos si Arron Afflalo habang double-double na 14 puntos at 11 boards ang naihatid ni Nikola Vucevic para sa Magic na natalo sa apat sa huling limang laro.

Ito rin ang ikatlong pag­yuko sa Celtics sa huling apat na pagkikita at ika-11 sunod na pagkatalo sa road game.

Lumamang ng 12 puntos ang Boston pero matiyagang humabol ang Magic.

Binasag ni Maurice Harkless ang kawalan ng field goal sa huling yugto sa isang layup habang ang free throws ni Kyle O’Quinn ang tumapos sa 10-2 run para dumikit sa isa ang bisitang koponan, may 6:11 sa orasan.

 

Show comments