MANILA, Philippines - Tumapos lamang sa pagsosyo sa ikaapat na puwesto si Dennis Orcollo sa Derby City 9-Ball Classic ngunit sapat na ito para kilalanin bilang pinakamahusay na bilyarista na sumali sa 2014 edition na ginawa sa Horseshoe Southern Indiana, Elizabeth, Indiana.
Natapos ang kampanya ni Orcollo sa nasabing torneo nang natalo kay John Morra.
Si Morra ay umabot sa Finals ngunit minalas siya nang maisuko ang 17th rack at ibigay ang titulo kay Shane Van Boening sa 9-8 iskor.
Ito ang ikalawang titulo sa DCC ni Van Boening matapos pagharian ang Bigfoot 10-Ball Challenge pero hindi siya umubra kay Orcollo na nanalo rin ng dalawang titulo at dalawang pang-apat na puwestong pagtatapos para angkinin sa kauna-unahang pagkakataon ang prestihiyosong Master of the Table title.
Naunang nagkampeon ang 35-anyos tubong Bislig, Surigao del Sur sa 9-Ball Banks bago dinomina sa unang pagkakataon ang 14-1 Challenge laban kay Konstantin Stepanov ng Russia, 125-36.
Sa kabuuan ng pagsali sa DCC, si Orcollo ay nagkamal ng $38,050.00 premyo tampok ang $20,000.00 sa Master of the Table, $10,000.00 pabuya sa pagdomina sa 9-Ball Banks at $3,000.00 gantimpala sa 14.1 Challenge.
May $2,850.00 pa si Orcollo sa 9-Ball Classic at $2,200.00 sa One Pocket.
Lalabas na sa Pilipinas nanggaling ang pinakamahusay na pool player sa huling dalawang taon ng DCC dahil noong 2013 ay si Francisco Bustamante ang nag-uwi ng Master of the Table title.
Si Van Boening ay nanalo ng $33,500.00 premyo at tig-$16,000.00 ang naibulsa niya sa panalo sa 9-Ball Classic at 10-Ball Challenge. Tumapos pa si Van Boening sa 8th place sa One Pocket at 11th place sa 9-Ball Banks para sa $850 at $650 premyo.
Si Reyes na nakuha ang ikaanim na titulo sa One Pocket, ang pumangatlo sa karera.