China inilaglag ng FIBA sa World Cup

BARCELONA, Spain -- Sinabi kahapon ni Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes na inasahan nang hindi makakakuha ang China ng isa sa apat na wildcard tickets para sa FIBA World Cup na nakatakda sa Agosto 30 hanggang Set­yembre 14 sa Spain.

Ito ay sa kabila ng mala­kas na impluwensya nito sa merkado.

Kabuuang 15 bansa ang nag-apply para sa apat na wildcard slots at nagba­yad ng donasyong 500,000 Euros o halos P30 milyon sa FIBA.

Naging paboritong ma­bigyan ng wildcard ang London Olympic third placer na Russia, 2016 Olympic host Brazil, Turkey at China para makasama sa 20 outright qualifiers.

Ngunit pinili ng FIBA Central Board ang No. 7 Turkey, No. 10 Brazil, No. 5 Greece at No. 39 Finland para maglaro sa World Cup.

Bukod sa Russia at China, hindi rin nabigyan ng wildcard ang Germany, Italy, Canada, Venezuela, Israel, Poland, Nigeria, Qatar at Bosnia-Herzogovina.

Naipatalo ng China ang lahat ng limang laro nito sa London Olympics at tumapos na fifth placer sa nakaraang FIBA-Asia Championships.

Ang fifth place ang pina­ka­masamang kampanya ng China sa FIBA-Asia matapos mahulog sa 10th place noong 2007.

Sa Olympics, ang China ay tumapos na pang-walo noong 1996, 2004 at 2008 editions at nalaglag sa ika-12 sa London.

Bago ang pahayag ng FIBA Central, nangako ang Chinese Basketball Association (CBA) na ipadadala ang pinakamagagaling nilang players sa Spain kung mabibigyan sila ng wildcard ticket.

 

Show comments